-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Isinuko ng mga sibilyan sa militar ang ilang mga matataas na uri ng armas sa probinsya ng Maguindanao.

Ayon sa ulat ng 6th Infantry (Kampilan) Division Philippine Army, isinuko ng mga sibilyan sa bayan ng Datu Abdullah Sangki, Maguindanao ang 27 mga armas sa tropa ng 2nd Mechanized Infantry Battalion.

Si Governor-elect Bai Mariam Sangki Mangudadatu ang nanguna sa pagsaksi sa isinukong mga armas kay Lt. Col. Alvin Iyog, commanding officer ng 2nd Mechanized Infantry Battlion at 1st Mechanized Infantry Brigade commander Col. Efren Baluyot sa simpleng seremonya sa Municipal Hall ng Datu Abdullah Sangki.

Ang mga armas na isinuko ay isang 60mm mortar na may isang bala, 14 na 12-gauge shotgun, dalawang mga cal. .50 sniper rifle, dalawang M79 GL, isang Uzi Ingram, isang Thompson submachine gun, isang carbine, dalawang RPG launcher, dalawang Ingram, isang M203 tube at mga magazine.

Sinabi ni Iyog na paiigtingin pa nila ang kampanya laban sa mga loose firearms sa kanilang nasasakupan na lugar.

“Ang gawaing ito ay bahagi ng aming patuloy na kampanya laban sa paglaganap ng maluwag na mga baril sa lugar ng operasyon ng batalyon,” sabi pa ni Lt. Col. Iyog.

Dagdag ni Col. Baluyot na lahat ay dapat magtulungan upang makamit ang kapayapaan at pag-unlad sa lugar.

Tiniyak naman ni Mangudadatu ang kanyang suporta para sa mapayapang komunidad.

Inihayag naman ni 6th ID chief, Maj. Gen. Cirilito Sobejana na kung lahat ay sama-sama ay may makakamit na positibong resulta.

Nagpasalamat din si Sobejana sa lokal na punong ehekutibo sa bayan ng Datu Abdullah Sangki na nanguna sa mga isinukong mga armas.