(Update) LEGAZPI CITY – Nasa ligtas nang kondisyon sa ngayon ang lahat ng 25 sakay ng nahulog na jeep sa bangin sa Barangay Cagbulacao, Bacacay, Albay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Maj. Domingo Tapel Jr., hepe ng Bacacay PNP, karamihan sa mga pasahero ng jeep ang nagtamo ng mga minor injury na agad naman na nakalabas sa ospital habang ang iba ay malayo na sa kritikal na kondisyon.
Nabatid na 24 ang pasaherong sakay ng jeep ng mangyari ang insidente habang dalawang motorista pa ang nadamay matapos na matumba ang sinasakyang motorsiklo ng umilag sa papalapit na jeep.
Batay sa imbestigasyon ng mga otoridad, nawalan ng preno ang jeep habang nasa pababang bahagi ng kalye hanggang sa mawalan ng kontrol, mahulog sa bangin na may lalim na 15 talampakan.
Samantala, nasa kustodiya na ng pulis ang driver ng jeep na si Roberto Bequio, 55, na posibleng maharap sa kasong reckless imprudence resulting to physical injury.