Nakauwi na sa Pilipinas ang 27 Pilipino na nabiktima ng mga sindikato ng human trafficking sa Cambodia.
Ayon kay Bureau of Immigration spokesperson Dana Sandoval, 27 Pilipino ang dumating sa may Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 mula sa Phnom Panh lulan ng Philippine Airline flight PR-522.
Base sa inisyal na imbestigasyon, sinabi ng BI official na 12 mula sa 27 nasagip na mga pasahero ay mula sa Zamboanga at nagtungo sa Cambodia sa pamamagitan ng pagsakay sa barko. Pagkadating sa naturang bansa, pwersahan umanong pinagtrabaho ang mga Pilipino bilang online love scammers.
Sa parte naman ni Department of Migrant Workers ASec. Francis Ron de Guzmanm sinabi nito na 27 Pilipino ang naunang nasagip noong Setyembre sa tulong ng Cambodian National Police sa pakikipagtulungan din sa PH Embassy sa Phnom Penh.
Sa ngayon, ayon sa opisyal, kanila ng tinutulungan ang mga biktima para makapaghain ng mga kaso ng syndicated illegal recruitment at qualified human trafficking.