Nasa 27 police officers na nakatalaga sa PNP Firearms and Explosive Office (FEO) at Supervisory Office for Security and Investigation (SOSIA) ang sinibak sa pwesto sa ipinatupad na balasahan ni Civil Security Group (CSG) director Maj. Gen. Roberto Fajardo.
Ayon kay Fajardo sinibak at kaniyang inilagay sa floating status ang nasa 27 police officials dahil sa kabiguan ng mga ito na sugpuin ang katiwalian sa kani-kanilang mga units.
Kabilang sa mga sinibak sa pwesto ay sina Lt. Col. Noli Asuncion, Lt. C. Lorenzo Cobre at Lt Col. Omer Cuadro ng FEO gayundin sina Lt. Col. Ali Jose Duterte at Lt. Col. Antonio Bilon ng SOSIA gayundin ang mga Section Chiefs ng mga unit na ito.
Binigyang diin ni Fajardo na nais niyang tuldukan ang tinatawag na Piso Click Transaction o panghihingi ng “padulas” para pabilisin ang proseso ng pagkuha ng mga permit gayundin ng lisensya.
Dagdag pa nito, marami rin sa mga tauhan ng SOSIA ang hindi pumapasok dahil “suma-sideline” bilang consultant sa iba’t ibang mga security agencies.
Nagtakda naman ng ultimatum si Fajardo sa mga nabanggit na unit na ayusin ang kanilang hanay sa loob ng tatlong buwan bago siya muling magpatupad ng panibagong balasahan.