Inanunsyo ng Bureau of Immigration ang matagumpay na pagpapauwi sa 27 Vietnamese nationals na naging biktima ng human trafficking.
Batay sa ulat ng Bureau of Immigration, ini-refer ng Ninoy Aquino International Airport Task Force Against Trafficking ang mga biktima sa IACAT-Tahanan ng Inyong Pag-asa Center, kasunod ng pagkakaharang sa mga ito sa NAIA Terminal 2 noong Oktubre 31.
Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, ang mga biktima ay kasama ng isang Chinese handler, dalawang Filipino driver, at isang Filipino translator.
Balak umano ng mga trafficker na ibenta ang mga biktima sa isang kumpanyang nakabase sa Cebu City.
Sa 27 na biktima, 21 ang umalis patungong Hanoi sa pamamagitan ng Cebu Pacific flight, habang ang natitirang 6 ay umalis patungong Ho Chi Minh City sa pamamagitan ng Philippine Airlines flight.
Bilang tugon sa insidenteng ito, kinansela ng BI ang mga working visa ng mga biktimang sangkot.
Ipinahayag ni Tansingco ang kanyang pagkadismaya sa mga dayuhang nagsasamantala sa Pilipinas bilang sentro ng kanilang mga aktibidad sa trafficking.
Naninindigan ang BI sa pangako nitong pulbusin ang mga network ng trafficking at pangalagaan ang kapakanan ng mga mahihinang indibidwal na iyon.