CAGAYAN DE ORO CITY – Lomobo pa ang bilang mga taong nagkasakit dahil sa kanilang kinain at ininom na tubig sa Cedar resort, Barangay Impalutao, Impasug-ong, Bukidnon.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Dr. Supicio Henry Legazpi, hepe ng Bukidnon Provincial Medical Center na 169 na mga biktima ang dinala sa kanilang ospital.
Aabot din sa 81 katao ang isinugod sa mga pribadong bahay pagamutan sa Bukidnon habang 26 ang binigyan ng lunas sa Cedar resort at hindi na dinala sa pagamutan.
Sa pangkalahatan, umabot sa 276 ang bilang ng mga biktima na nakaranas sa pananakit ng tiyan, panghihilo at pagsusuka.
Ayon kay Dr. Legazpi, patuloy pang iniimbestigahan ng Department of Health ang pangyayari upang malaman kung ang kinain bang pagkain o ang tubig na ininom ng mga biktima ang naging sanhi ng kanilang pagkalason.
May ipinadala na rin silang rectal swab at water sample sa Metro Manila para sa gagawing pagsusuri ng mga eksperto.
Napag-alaman na ang mga biktima ay pawang mga kasapi ng Seventh Day Adventist o SDA Reform movement na nagsagawa ng national convention sa Bukidnon.