Iniulat ng poll watchdog na LENTE na aabot sa 28% na community leaders ang naobserbahang umaabuso sa government resources sa kasagsagan ng kanilang pangangampaniya para sa nalalapit na halalan.
Iprinisenta ng grupo ang inisyal na resulta ng kanilang monitoring study hinggil sa misuse ng government resources ngayong campaign period.
Lumalabas na tanging 21.5% o katumbas ng 28 mula sa 130 voter respondents at 28% o katumbas ng 45 mula sa 161 community leader respondents ang nagsabi na naobserbahan nila na ginagamit ng mga kandidato ang mga state vehicles o state resources sa kanilang pangangampaniya.
Iniulat din ng poll watchdog na 93% o 66 mula sa 71 civil servants na nakapanayam ang nagsasabing aware sila sa umiiral na legal restrictions sa mga empleyado ng gobyerno para sa pagsasagawa ng campaign activities subalit patuloy pa rin ang paggamit sa government resources.
Ayon sa grupo mayroong apat na uri ng pag-abuso sa state resources ito ay sa pamamagitan ng pinansiyal, institutional, regulatory at coercive resources.
Karamihan aniya sa naiulat na pang-aabuso ay institutional kabilang dito ang government vehicles, imprastruktura at mga manggagawa.
Ang monitoring study na ito ng poll watchdog ay mula sa 17 natukoy na vote-rich at income generating areas sa buong bansa.