Tiniyak ng mga opisyal ng pamahalaan na hindi aabutin ng matagal na panahon ang proseso ng permit sa mga imported na bigas, oras na lumakad sa susunod na buwan ang implementasyon ng Rice Tariffication Law.
Ayon kay Department of Finance Asec. Tony Lambino, hindi lalagpas ng 28-araw ang pagse-secure sa naturang permit.
Sa ilalim ng draft guidelines, dadaan sa mga itinalagang ahensya ng pamahalaan ang importers na mag-aangkat ng milled rice sa bansa.
Magsisimula ito sa Bureau of Plant Industry para sa sanitary and phytosanitary import clearance.
Matapos nito ay dadaan naman sa Bureau of Customs, Philippine Ports Authority at Philippine International Trading Corporation.
Kaugnay nito nagpaalala ang Department of Trade and Industry (DTI) hinggil sa mahigpit ding pagpapatupad ng Anti-Red Tape Act laban sa mga importer na mananamantalang sumingit at maghain ng kanilang mga permit sa iligal na paraan.
“As long as wala nang kinuhang NFA (National Food Authority) permit, it’s really just the quality and then the actual procedure of importation, nandiyan na ‘yung bigas in less than one month,” ani Trade Sec. Ramon Lopez
Kasabay nit ay nagpataw ang gobyerno ng 35-percent na taripa sa mga iaangkat na bigas mula sa mga bansa sa Timog-Silangang Asya.