-- Advertisements --

Iniulat ng Philippine National Police (PNP) na nakapagtala sila ng 28 kaso ng aksidente, kabilang ang pagkalunod, sunog, at aksidente sa kalsada, mula nang magsimula ang orserbasyon ng Semana Santa.

Ayon sa PNP, 16 sa mga insidente ay mga kaso ng pagkalunod sa iba’t ibang rehiyon, habang mayroong dalawang aksidente sa kalsada sa Metro Manila at Cagayan Valley. May tatlong insidente ng sunog sa Metro Manila, Eastern Visayas, at Zamboanga Peninsula, at isang kaso ng arson sa Negros Island Region.

Bagamat may mga insidenteng naitala, sinabi ng PNP na nanatiling payapa ang obserbasyon ng Semana Santa 2025.

Samantala para naman sa seguridad mayroong 68,465 na mga pulis ang ipinakalat sa buong bansa, iba ito sa mga espesyal na deployment sa mga simbahan, pangunahing kalsada, mga terminal, at iba pang pampublikong lugar.

Pinayuhan naman ni PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil ang publiko na maging maingat, sumunod sa mga patakaran sa kaligtasan, at agad ipagbigay-alam ang anumang insidente sa pinakamalapit na estasyon ng pulisya sa inyong lugar.