Nagsimula na ang klase ng karamihan sa mga paaralan sa Metro Manila kasabay ng pagbubukas ng mga pampublikong eskwelahan ngayong araw.
Alas-6:00 nitong umaga nang magsimula ang flag ceremony ng ilan sa mga public elementary at high school, dahil alas-7:00 daw ang schedule ng mga unang klase.
Pinangunahan naman ni Education Sec. Leonor Briones ang back to school flag ceremony sa Signal Village National High School sa Taguig City.
Kasabay ng pagbubukas ng klase, ilang aberya at problema rin ang bumungad sa mag-aaral gaya ng masikip na daloy ng traffic sa paligid ng mga paaralan.
Sa CAA Elementary School sa Las Piñas, mahinang patak ng tubig sa mga palikuran at ilang pasilidad ang nabatid na agad namang ni-respondehan ng Bureau of Fire Protection.
Habang hindi muna pinagamit sa mga estudyante ang isang gusali ng Barangka Elementary School sa Marikina dahil nakatayo ito sa West Valley Fault System.
Batay sa tala ng Department of Education, aabot sa halos 28-milyon ang bilang ng mga estudyanteng magbabalik eskwela ngayong araw sa parehong public elementary at high school.
Kasabay nito, nagpakalat ang pulisya ng pwersa sa buong bansa para matiyak ang seguridad sa pagbubukas ng klase.
Ayon sa PNP, nasa 120,000 ang bilang ng kanilang mga tauhan na naka-standby ngayon sa lahat ng eskwelahan nationwide, habang 7,000 naman ang naka-pwesto dito sa Metro Manila.