CENTRAL MINDANAO-Nagpasya ang dalawampu’t-walong myembro ng Communist Terrorist Group at mga miyembro ng Milisyang Bayan sa Sarangani Province na magbalik-loob sa pamahalaan.
Ginawa ng mga ito ang boluntaryong pag-surrender sa kanilang sarili sa Headquarters ng 38th Infantry Battalion Philippine Army sa Purok Caballero, Tambilil, Kiamba Sarangani.
Isinuko ng mga dating rebelde ang limang (5) Garand rifles, 17 rounds ng cal. 30 ammunition, tatlong (3) Garand clip, dalawang (2) bala ng 40mm High Explosives, isang (1) improvised explosive device, at 70-meter electrical wire.
Kinumpirma ni Lieutenant Colonel Michael Angelo Candole, ang Acting Battalion Commander ng 38IB na tatlo sa mga sumukong personalidad ay kasapi ng Squad Primera ng Guerilla Front Musa, Far South Mindanao Region (FSMR) habang ang iba ay mula sa Milisyang Bayan (MB) at Sangay ng Partido sa Lokalidad (SPL).
“Mabibigyan ng paunang tulong pinansyal, mga pagkain, mga gamot at bitamina mula sa Local Government Unit ng Kiamba ang mga bagong nagbalik-loob na mga former rebels”, ayon kay Lt. Col. Candole.
Ibinunyag ng mga dating rebelde na nasaksihan nila kung paano nagbago ang buhay ng kanilang mga kasama matapos nilang magdesisyong bumalik sa mainstream society at ito ang nagkumbinsi sa kanila na sumuko.
Ayon kay Major General Roy Galido, Commander ng Joint Task Force Central, irerekomenda ang mga sumukong CTG personalities na mag-avail ng E-CLIP benefits.
“Tayo ay nasisiyahan sa kanilang pagbalik-loob sa pamahalaan. Sila ay mga biktima ng disinformation ng CTG. Sa pakikipag tulungan ng LGU-Kiamba ay tuluyan silang makapagbagong-buhay.” Dagdag pa ni Maj. Gen. Galido.
Iprenesinta naman sa LTF ELCAC at kay Kiamba Mayor George Falgui ang mga personalidad kasama ang isinuko nilang armas.