Iniimbestigahan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang 29 power generating companies dahil sa posibleng paglabag sa outage allowance sa buwan ng Abril at Mayo.
Sinimulan ng ahensiya ang imbestigasyon kasunod na rin ng magkakasunod na red at yellow alert sa ibat-ibang mga grid noong mga nakalipas na buwan ng Abril at Mayo.
Ayon kay ERC chairperson Monalisa Dimalanta, mayroon nang limang power generating companies ang natukoy na lumabag sa outage allowance, habang ang iba sa kanila ay patuloy pa ring sumasailalim sa imbestigasyon.
Patuloy din aniya itong kinu-kumpleto ng komisyon dahil sa posibleng mas maraming generation companies na makakasali rito.
Gayunpaman, target aniyang maipresenta ang lahat ng ito ngayong buwan.
Nilawakan din aniya ng komisyon ang ginagawang imbestigasyon upang makita ang buong problema.
Sa ilalim ng ERC Resolution No. 10, series of 2020, nagsasagawa ang komisyon ng mga imbestigasyon para matukoy kung makatwiran ba ang nangyaring power outage o hindi.
Noong 2023, 14 na generation companies ang pinagbayad ng komisyon ng hanggang P60 million dahil sa paglabag sa outage allowance o bilang ng mga araw na pinapayagang magkaroon ng outage.
Una nang sinabi ni ERC director for market operations service Sharon Montaner na ang pangunahing naging dahilan ng mga generating units sa Luzon ay ang limitadong tubig para mga hydro plants at limitadong steam para sa mga geothermal plants, kaya nagkaroon ng sunod-sunod na outage.