Nadiskubre ng isang hiker ang tinatawag na “lost world” na tinatayang aabot sa 280 milyong taon ang tanda, natuklasan ito ni Claudia Steffensen habang nagha-hiking sa Italian Alps sa Valtellina Orobie Mountains Park sa Lombardy, Italy.
Nang mapansin ni Steffensen ang kakaibang mga disenyo sa isang bato, na kalaunan ay napag-alamang mga bakas ng hayop mula sa prehistoric na panahon.
Ang mga bakas ay natukoy bilang pag-aari ng mga reptiles mula sa Permian period, bago pa man dumating ang mga dinosaur. bukod dito natagpuan din ang daan-daang iba pang mga fossil na bakas ng iba’t-ibang uri ng mga species, kabilang na ang mga reptiles, amphibians, at mga insekto, na may habang 12 talampakan.
Kasama rin sa mga natuklasang fossil ang mga bakas ng mga halaman, mga buto, dahon, at mga stem, pati na rin ang mga bakas ng patak ng ulan at alon mula sa isang prehistoric lake o lawa.
Paliwanag ng ilang mga eksperto kabilang ang German trace fossils specialist na si Lorenzo Marchetti na ang mga nasabing fossil ay napreserba ng maayos dahil umano sa malapit ito sa tubig.
Ang naturang nadiskubreng ‘lost world’ ay natagpuan sa bundok na may sukat na hanggang 10,000 talampakan ang taas, na ayon pa sa mga mananaliksik, dulot umano ito ng epekto ng pagbabago ng klima kung saan ang pagkatunaw ng mga glacier sa Alps ay nagbigay-daan upang makita muli ang mga sinaunang labi ng hayop.
‘The footprints were made when these sandstones and shales were still sand and mud soaked in water at margins of rivers and lakes, which periodically, according to the seasons, dried up,’ pahayag ng co-researcher at paleontologist na si Ausonio Ronchi ng University of Pavia.
Ayon pa dito ang Permian period ay tumagal daw mula 299 milyon hanggang 252 milyong taon na ang nakalilipas.
Sa panahong ito aniya, mabilis na uminit ang klima sa buong mundo, na nagdulot ng isang mass extinction na nagtapos sa panahong din iyon at kumitil ng 90 percent na mga species sa mundo.
Kinababahala naman ng mga eksperto ang makabagong global warming na siyang nagbigay-daan sa pagkakatuklas ng mga sinaunang ecosystem na natagpuan, dahil ang mga fossil aniya na ito ay nakatago sa ilalim ng mga makakapal na niyebe na natunaw dahil sa pag-init ng klima ng mundo.
‘The summer sun, drying out those surfaces, hardened them to the point that the return of new water did not erase the footprints but, on the contrary, covered them with new clay, forming a protective layer,’ dagdag ni Ronchi.