-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Abot hanggang tenga ang ngiti ng daan-daang mga bata sa ginawang “feeding program” ng mga kawani ng Bombo Radyo Cagayan de Oro nitong Lunes ng hapon.

Humigit kumulang 200 na mga bata na nakatira sa landfill area ng Zayas, Barangay Carmen, lungsod ng Cagayan de Oro ang pinakain ng masarap na arroz caldo.

Ginawa ang nasabing aktibidad bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-28 na taong pagkakatatag ng istasyon noong 1991.

Una rito, sinimulan ang okasyon sa pamamagitan ng isang motorcade na dinaluhan ng mga pulis mula sa Misamis Oriental Provincial Police Office (MOPPO); 4th Infantry Division Philippine Army; Road and Traffic Administration (RTA); iba’t ibang mga grupo at organisasyon na kinabibilangan ng Rescue 2000; Guardians; mga bikers at mga die-hard supporters/listeners ng Bombo Radyo.

May isinagawang misa din sa loob ng istasyon na pinangungunahan ni Fr. Aidan Zavallero mula sa Lorenzo Ruiz Mission Society.

Sa kaniyang homily, ibinahagi ng pari na naging “biktima ng kritisismo” ang kaniyang pamilya ng Bombo Radyo dahil sa kaniyang ama na isang pulis.

Kuwento ng pari, dahil daw sa nasabing pangyayari ay naging laman ng usapan ang kanilang pamilya ng kanilang mga kapitbahay.

Dumating pa raw sa puntong nasuspinde sa trabaho ang kanyang ama sa loob ng tatlong buwan.

Pero inamin ni Fr. Zavallero na may nagawa raw pagkakamali ang kaniyang tatay.

Dagdag pa nito na ang mga pangyayaring iyon ang nagtulak sa kaniya na pumasok sa nasabing bokasyon dahil marami siyang napagtanto sa buhay.