-- Advertisements --

VIGAN CITY – Hindi na nakapagdiwang pa ng bagong taon ang isang lalakeng kalunos-lunos ang sinapit sa nangyaring aksidente sa Banaoang, Bantay, Ilocos Sur.

Nakilala ang dead on the spot na biktimang si Robert Bryan Riotoc, 29-anyos na taga Tamag, Vigan City, drayber ng Toyota Dyna Drop side habang ang drayber naman ng dump truck ay si Dennis Gonzales, 37-anyos na taga Lubong, Bangued, Abra.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Vigan kay PCpl. Delmar Tapao ng Bantay Municipal Police Station, parehong tinatahak ng dalawang sasakyan ang pasilangang direksyon nang mabilis na nag-overtake ang Toyota Dyna at bumangga sa nasabing dump truck.

Dahil dyan, nagtamo ng matinding sugat ang biktima na syang rason ng kanyang agarang kamatayan habang ang pahinante naman nitong si Generico Noval, 28-anyos na taga Zone 3, Bantay ay kasalukuyang nagpapagaling sa ospital.

Wasak ang sasakyan ng biktima na may dalang mga LPG tank na pinaniniwalaang rason kung bakit hindi nito nakontrol ang manibela ng kanyang sasakyan maliban lamang sa pababang bahagi ng kalsada na naibibilang din bilang accident prone area.