CENTRAL MINDANAO – Sumuko sa militar ang 29 na mga miyembro ng Dawlah Islamiya ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa lalawigan ng Maguindanao.
Sa tulong ng mga lokal opisyal sa bayan ng Rajah Buayan, Maguindanao ay sumuko ang 29 na BIFF sa tropa ng 33rd Infantry Battalion Philippine Army sa ilalim ng 601st Brigade.
Dala ng mga rebelde sa kanilang pagsuko ang mga matataas na uri ng armas, mga bala, mga improvised explosive device (IED) at mga sangkap sa paggawa ng bomba.
Ang mga sumukong BIFF ay mga tauhan ni Kumander Imam Karialan na sangkot sa pambobomba sa iba’t ibang lugar sa Central Mindanao na may direktang ugnayan sa Islamic State of Iraq and Syria (ISIS).
Nagpasalamat naman si 6th Infantry (Kampilan) Division chief, Major General Diosdado Carreon sa mga opisyal ng bayan ng Rajah Buayan na tumulong sa negosasyon sa pagsuko ng mga rebelde.