CENTRAL MINDANAO – Pagod na at gusto na umanong mamuhay ng mapayapa ng 29 na mga myembro ng New People’s Army (NPA) na sumuko sa militar at pulisya sa probinsya ng Cotabato.
Ang mga NPA ay pinangunahan nina Romeo Segundo at Edwin Malag ng Guirella Front Committee 53 ng Southern Mindanao Regional Committee (SMRC) na kumikilos sa North Cotabato at Bukidnon.
Ang mga rebelde ay sumuko sa pulisya at 34th Infantry Battalion Philippine Army na pinamumunuan ni Lieutenant Colonel Edgardo Vichez Jr.
Pormal namang tinanggap ni 602nd Brigade commander Colonel Jovencio Gonzales at Libungan Cotabato Mayor Francis Aris Yu ang mga sumuko.
Dala ng mga rebelde sa kanilang pagsuko ang mga matataas na uri ng armas, pampasabog, mga bala, magasin at mga mahahalagang dokumento ng mga komunista.
Sinabi ni Ka Romeo Segundo na gutom lang daw ang kanilang inabot sa pagtatago sa kabundukan at walang natupad sa pangako ng mga lider ng NPA kung saan biktima lamang sila ng pangloloko ng makakaliwang grupo sa mali nilang ipinaglalaban.
Kasabay ng pagsuko ng mga NPA at ng kanilang mga tagasuporta ay sinunog nila ang mga bandila ng mga rebelde.
Nakatanggap rin sila ng bigas at cash assistance mula sa LGU-Libungan Cotabato.
Sa kasalukuyan ay isinailalim sa custodial debriefing ang mga NPA bilang bahagi ng proseso na silay mapabilang sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ng national government.