-- Advertisements --

Tinatayang nasa 29 katao ang binawian ng buhay matapos maaksidente ang sinakyan nilang bus sa estado ng Uttar Pradesh, India nitong Lunes.

Batay sa ulat, nagmula ang bus, na may lulang 50 katao, sa Lucknow at papunta sana sa kabisera ng bansa na Delhi nang mangyari ang aksidente sa bahagi ng lungsod ng Agra.

Nakatulog umano ang driver habang nagmamaneho, dahilan para mawalan ito ng kontrol sa double-decker bus bago ito dumausdos sa isang canal sa ibaba ng kalsada.

Agad na rumesponde ang mga residente sa lugar at iniligtas ang 20 sugatang pasahero.

Madalas ang road accidents sa India kung saan isang aksidente ang naitatala sa bansa sa kada apat na minuto. (BBC)