Kinumpirma ng Department of Migrant Workers na dumating na sa Pilipinas ang kabuuang 290 overseas Filipinos at OFWs mula sa bansang Lebanon.
Dumating ang mga ito sa Ninoy Aquino International Airport nitong araw ng Biyernes sakay ng isang chartered flight.
Binubuo ito ng 233 overseas Filipino workers at ang kanilang 13 dependents at 21 overseas Filipinos kasama rin ang kanilang 23 dependents.
Kasama ng mga nasabing Pilipino sa kanilang byahe si DMW-Migrant Workers Office attaché to Alkhobar Hector Cruz.
Ang hakbang na ito ay batay sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ilikas ang mga Pilipino sa Lebanon dahil sa lumalalang tensyon sa Gitnang Silangan.
Pagbaba sa Ninoy Aquino International Airport ay sinalubong sila ng mga kawani ng DMW at OWWA.
Tiniyak naman ng DMW na ibibigay ng gobyerno ang karampatang tulong sa kanila matapos na piliing bumalik ng bansa.