-- Advertisements --

Sinisi ng Department of Information and Communications Technology ang hindi pa tuluyang pagbuwag o pagretiro ng 2G network na isa sa mga sanhi ng patuloy na pagkalat ng ‘text scams’ sa bansa. 

Ito umano kasi ang ginagamit ng ilan pang mga Philippine Offshore Gaming Operators o POGO sa kanilang mga International Mobile Subscriber Identity device o mas kilala bilang IMSI catchers. 

Ayon mismo kay Undersecretary Jeffrey Ian Dy ng naturang kagawaran, ang ganitong uri ng kagamitan ay gumagana lamang sa mga network na mas mababa sa 3G. 

Kaya aniya, nararapat lamang umano na magkaroon ng ‘timeline’ kung kalian sisimulang tanggalin ang 2G at mas mababa pang mobile technology sa Pilipinas. 

‘Yung IMSI catchers yung ginagamit ng mga POGO’s in order to get your or extract your calls and your texts. And to be able to blast. It actually only works on a technology that is below 3G.. We should now have a timeline to depricate, I guess to retire…,’ ani Undersecretary Jeffrey Ian Dy ng Department of Information and Communications Technology.

Ngunit giit naman ng naturang undersecretary, nauunawan nila din umano ang posibleng epekto nito sa ekonomiya kung sakali mang matuloy ang pagtatanggal sa 2G network.

Samantala, isinusulong naman ng naturang kagawaran ang pagkakaroon na ng mga diskusyon hinggil sa usaping ito. 

Dahil aniya, kailangan makasunod ng Pilipinas sa ibang mga karatig bansa na nagsimulang pag-usapan ang napipintong pagpaparetiro sa naturang mobile technology network.