KALIBO, Aklan – Bantay-sarado ngayon ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pampasaherong barko matapos tamaan ng COVID-19 ang 29 sa 82 nitong mga tripulante.
Ang passenger vessel na 2GO ay mula Caticlan sa Malay, Aklan bago dumaong sa Batangas.
Ayon sa PCG, kasalukuyang nasa Bauan Bay ang St. Anthony de Padua sakay ang 25 crew members na naka-isolate na karamihan ay asymptomatic habang ang iba ay may bahagyang sintoms ng sakit.
May kasama aniyang doktor ang mga ito para sa kanilang pangangailangang medikal.
Tatlong iba pa ang dinala sa ospital sa Batangas.
Patuloy na nagpapatrolya ang PCG Station sa Batangas upang magbantay sa barko para matiyak na walang ibang watercraft ang makakalapit at walang crew members na makakalabas ng walang kaukulang abiso.
Sinasabing bago bumiyahe ang barko papuntang Caticlan noong Agosto 1 upang maghatid ng pasahero, isang crew nito ang pinababa sa Batangas City upang magpagamot dahil nakararanas ng sintomas ng COVID-19.
Matapos isailalim sa RT-PCR test, natuklasang 25 pa sa mga tripulante ang nahawaan na pala ng sakit.