Aabot sa 2 million reservists ang madaragdag sa reserve force ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kada taon sa oras na maging mandatoryo na muli ang Reserve Officers’ Training Corps (ROTC).
Ginawa ni Major General Joel Alejandro Nacnac, Deputy Chief of Staff for Reservists and Retiree Affairs ng AFP ang naturang pahayag kasabay ng pag-marka ng National Reservists Week
Ayon pa sa opisyal ang mga tinatayang bilang ng servicemen mula sa ROTC ay ibibilang na standby reserve.
Ang standby reserve ay pinapakilos lamang sa panahon ng national emergency o giyera.
Iba ito sa tinatawag na “ready reservists” na maaaring ipatawag sa anumang oras bilang augmentation sa regular forces.
Sa datos noong Hunyo ng kasalukuyang taon, nasa 1.2 million ang miyembro ng AFP reserve force.
Binubuo ito ng mahigit 71,000 ready reservists, mahigit 15,000 affiliated units mula sa ibang mga organisasyon at institusyon at 1.1 million standby reservists.
Karamihan sa mga reservists ay mula sa Philippine Army.
Sa kasalukuyan, nakatakdang pagdebatehan sa plenaryo sa Senado ang panukala para sa pagbabalik ng mandatoryong ROTC na kapwa suportado nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte.