Nakatakda umanong bibilhin ng mga pribadong kompanya sa bansa ang ikalawang batch ng COVID-19 vaccines na gawa ng British pharmaceutical company na AstraZeneca at ito ay maliban pa sa naunang 2.6 million doses na kanilang kinontrata.
Sinabi ni Presidential Adviser on Entrepreneurship Joey Concepcion, aprubado na ang nasabing second purchase at maaari na itong maproseso.
Pero hindi pa naman sinabi ni Concepcion kung ilang doses ang nakapaloob sa second batch ng mga bakuna.
Ayon kay Sec. Concepcion, ang unang batch ng mga bakuna ay inaasahang darating sa bansa sa buwan ng Mayo o Hunyo ng susunod na taon at magagamit ito ng mahigit isang milyong Pilipino dahil kailangan ng dalawang doses sa bawat bakuna.
Inihayag naman ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. na ang Sinovac na gawa ng China ay posibleng darating sa Marso at uunahin ang mga healthcare workers, mga uniformed personnel, mga senior citizens, mga government workers at mga pinakamahihirap na kababayan.