-- Advertisements --

Nakatakdang ibigay ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Philippine National Police (PNP) ang nasa 3,000 M4 rifles na bahagi ng 2nd batch ng arms donation ng China sa Pilipinas.

Ito ang inihayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa isang press briefing sa Kampo Aguinaldo matapos pormal na tanggapin ng AFP ang mga armas mula kay Chinese Ambassador Zhao Jian Hua.

Ayon kay Lorenzana, si Pangulong Duterte ang nag-utos na ibigay ang mga armas sa PNP bilang pangpuno sa kakulangan ng baril ng mga pulis.

Ayon naman kay AFP Chief of staff General Eduardo Año, ang mananatili lamang sa AFP ang nasa 30 sniper scopes na maaaring gamitin ng mga sundalo sa Marawi.

Kung maaalala, nakatakda sanang bumili ng 26,000 na baril ang PNP mula sa Estado Unidos pero hindi natuloy ang deal matapos harangin ng ilang US politician.

Nauna rito, 3,000 M16 rifles na bahagi ng first batch ng arms donation ng China ay ipinasa rin ng AFP sa PNP.

Dagdag ni Lorenzana, ang mga mahahabang armas mula sa China ay magagamit ng mga pulis sa kampanya kontra droga.