GENERAL SANTOS CITY – Inaabangan na ngayon kung sinu-sino ang iba pang personalidad na kasama sa ikalawang batch na kakasuhan kaugnay sa pagkakasangot sa Kabus Padatuon o KAPA Community Ministry International Inc.
Ito ay makaraang sabihin ng Securities and Exchange Commission (SEC) na magpapalabas pa sila ng mga pangalan ng mga nauugnay sa iligal na operasyon habang nagpapatuloy ang kanilang imbestigasyon.
Ang NBI ay nagsabi na rin na maghahain din sila ng kaso.
Una nang sinabi ni SEC Chairman Emilio Aquino na posibleng madamay din sa susunod na reklamo ang mga “galamay” ng KAPA na nagpapakalat ng fake news kasama na ang mga nagpoprograma sa radyo, telebisyon at internet para manghikayat ng mabibiktima, kahit kanselado na ang registration ng nasabing grupo.
Anila, patuloy pa rin daw kasi ang pang-e-engganyo ng grupo sa pamamagitan ng pangakong 30% na interes kada buwan.
Kahapon nga ay pormal nang nagsampa sa DOJ ng criminal charges ang SEC laban sa mga KAPA officials kaugnay sa paglabag sa RA No. 8799 ng Securities Regulation Code.
Kasama sa mga kinasuhan sina KAPA founder Pastor Joel Apolinario, asawa nitong si Reyna na nagsilbing corporate secretary at trustee na si Margie A. Danao, pati sina Marisol M. Diaz, Adelfa Fernandico, Moises Mopia, Catherine Evangelista at Rene Catubigan dahil sa pagpo-promote sa KAPA.