BAGUIO CITY – Tone-toneladang mga gulay mula sa mga stakeholders ng vegetable industry sa lalawigan ng Benguet ang nakatakdang ibiyahe patungo sa Batangas para sa mga biktima ng pagsabog ng Taal Volcano.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Agot Balanoy, manager ng isang kooperatiba ng mga magsasaka ng Benguet, sinabi niya na ang Deparment of Agriculture (DA) naman ang magbibigay ng gagamiting truck.
Aniya, posibleng sa Lunes na dadalhin sa Batangas ang mga nasabing gulay na aabot sa tatlong tonelada.
Partikular na tinatanggap nila ang mga gulay na hindi madaling mabulok.
Tumatanggap din sila ng cash donation na ibibili nila ng mga immediate needs gaya ng sanitation kits at hygiene kits na direktang ipapamahagi nila sa mga biktima.
Dagdag ni Balanoy na bukas o sa Sabado ay mauunang magde-deliver ng aabot ng 800 kilo na mga gulay ang isang grupo ng mga magsasaka sa Benguet.
Ayon pa sa kanya, handa ang mga taga-Benguet na magbigay tulong sa mga nangangailangan dahil sa panahong nangangailangan ang mga residente ng lalawigan ay may dumarating din na tulong mula sa ibang mga lugar at mga lokal na pamahalaan.
Samantala, ilan pang mga grupo at lokal na pamahalaan sa Cordillera Region ang magpapadala rin ng tulong gaya ng mga gulay, mga pagkain at mga kagamitan sa Batangas sa magkakaibang araw dahil patuloy ang pagbuhos ng tulong mula sa mga residente ng rehiyon.