Binawi na ng Quad committee ng House of Representative ang ikalawang contempt order laban kay Cassandra Ong.
Kasama rin na binawi ang paglagak sa kaniya sa Women’s Correctional sa lungsod ng Mandaluyong.
Ito ay matapos na pumayag na rin si Ong na pirmahan ang waiver para masilip ng Anti Money Laundering Committee ang mga bank accounts niya.
Paglilinaw naman ni Laguna Representative Dan Fernandez isa sa mga chairpersons ng panel na mananatili naman ang unang contempt order kay Ong na manatili sa kustodiya ng House of Representatives.
Tinanggal naman ng panels ang contempt at detention order laban kay Lucky South 99 documented corporate secretary Ronelyn Baterna.
Ibinunyag ni Baterna na nagbibigay ito ng mga tseke sa mga kliyente ng Lucky South 99 kung saan ang pinakamalaking halaga na naibigay nito ay nagkakahalaga ng kalahating milyong piso.
Ang nasabing mga pera para sa tseke umano ay galing kay Ong.
Napilitan namang ilantad ni Ong na mayroon siyang maraming accounts sa Chinabank na kaniyang ginagamit sa mga transaksyon Lucky South 99.
Nagtungo umano rin ito sa Singapore at dumiretso ng Malaysia para kitain ang nobyong si Wesley Guo ang kapatid ng pinatalsik na alkalde ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo.
Una ng na-cite in contempt si Guo at inatasan na ilagay sa kustodiya ng correctional facility dahil sa hindi nagbibigay ng kasagutan sa mga tanong na ipinapangalandakan niya ang kaniyang karapatan na manatiling tahimik.