Nilinaw ng Department of Interior and Local Government (DILG) na ibibigay pa rin ng gobyerno ang second dose ng COVID-19 vaccines sa mga local government officials (LGUs) na nagpa-VIP at sumingit sa vaccination program.
Sinabi ni DILG Undersecretary Epimaco Densing, maswerte ang mga ito dahil ituturok parin sa kanila ang ikalawang dose para hindi masayang ang bakuna.
Magugunitang limang alkalde ang inisyuhan ng showcause order ng DILG dahil sa pangunguna na magpabakuna kahit na ang mga medical health workers pa lamang sa ngayon ang binabakunahan dahil sa limitadong suplay.
Pero ayon kay Usec. Densing, kahit na nakasingit ang mga ito sa pila, hindi pa rin sila abswelto sa posibleng kasong administratibo na kanilang kakaharapin.
Kinakailagan umanong maidpensa ng mga ito kung bakit sila nagpabakuna kahit na hindi pa laan para sa kanila ang mga COVID-19 vaccines dahil kung hindi, maaari silang matanggal sa pwesto maliban pa sa kakaharaping kaso.