KALIBO, Aklan – Magkakaroon uli ng dry-run ang lokal na pamahalaan ng Malay kasama ang iba pang kaukulang ahensiya ng gobyerno bandang alas-3:00 mamayang hapon bilang paghahanda para sa muling pagbubukas ng tourism operations sa Boracay.
Ayon kay General Manager at Boracay Foundation Incorporated (BFI) President Edwin Raymundo, makakasama nila sa dry run ang mga taga-Department of Tourism, Department of Environment and Natural Resources at iba pang kaukulang ahensiya ng gobyerno.
Magpapalabas umano ang BFI, at grupo ng mga negosyante sa isla, ng mga rekomendasyon sa provincial government kaugnay sa kanilang magiging assessment sa dalawang araw na dry run na sinimulan kahapon, June 1.
Ang mga residente pa lamang at ilang stranded na dayuhang turista ang pinapayagan ng Malay-local government unit na maligo sa dagat habang hindi pa natatapos ang dry run sa pagbabalik ng operasyon ng turismo.
Maliban sa “no transaction, no entry” policy, ipinapatupad din sa isla ang “no, swimming, no registration” policy kung saan kailangang magpalista muna sa life guard station at magpakuha ng body temperature bago magtampisaw sa tubig.
Mandatory din ang pagsusuot ng face mask maliban kung lulusong na sa tubig.
Bawal na mag-overnignt ang mga pumapasok sa isla na nakikipag-transaksyon.
Samantala, nakakalat sa beachfront ang sangkaterbang beach guards, marshalls, securities maliban pa sa mga pulis, miyembro ng Philippine Coast Guard at Maritime Command, upang masigurong nasusunod ang ipinapatupad na guidelines lalo na ang dalawang metrong distansya sa mga naliligo sa itinalagang apat na swimming areas sa isla.
Bukas ang beachfront mula alas-6:00 hanggang 10:00 ng umaga, at mula alas-3:00 ng hapon hanggang alas-6:00 ng gabi.
Ang Aklan ay nasa ilalim na ng modified general community quarantine sa gitna ng Coronavirus Disease pandemic.