Plano ng Department of Health (DOH) na bumili ng second generation ng COVID-19 vaccines kung saan target ang old at omicron variants sa unang quarter ng taong 2023.
Ginawa ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire ang naturang anunsiyo kasabay ng pagpresenta ng kagawaran sa House Committee on Appropriations sa proposed P301 billion na pondo para sa susunod na taon.
Ayon kay Vergeire, nasa proseso na ng pakikipagdiskusyon ang ahensiya sa mga manufacturers ng new generation COVID-19 vaccines na target ang omicron at ang orihinal na strain ng virus.
Mayroon ng isang manufacturer ang isinasapinal na ang registration for approval sa United States at inihahanda na rin ng ahensiya ang term sheet.
Habang sa iba namang manufacturer inaayos na ang non-disclosure agreement kung kayat sakaling maproseso na ang nasabing mga requirements para sa pagbili ng next generation ng covid-19 vaccine posibleng mabili ito sa unang quarter sa susunod na taon.
Kasabay nito binigyang diin din ni Vergeire ang kahalagahan ng pagkakaroon ng second generation COVID-19 vaccines dahil ang unti-unting humihina ang immunity mula sa primary doses ng COVID vaccines base sa ebidensiya.
Sa pagtaya aniya ng mga eksperto na sa katapusan ng taon, maaaring maging progressive pa ang paghina ng immunity sa mga wala pang unang booster shots at makakaapekto ito sa immunity ng ating populasyon at posibleng tumaas ang ating admissions sa mga ospital.