-- Advertisements --

Mapayapa umano sa pangkalahatan ang isinagawang ikalawang round ng Bangsamoro Organic Law (BOL) plebiscite sa mga probinsiya ng Lanao del Norte at North Cotabato.

Ito ay batay sa assessment ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ayon kay AFP Public Affairs Office (PAO) chief Col. Noel Detoyato, nakaboto ang mga residente sa nasabing mga probinsiya at mataas ang naging voters turnout.

Sinabi ni Detoyato na walang epekto sa plebisito ang mga naitalang mga insidente gaya ng pagsabog at pananakot ng ilang mga indibdiwal gaya ng pagpapaputok ng armas.

Sa area naman ng 1st Infantry Division (ID) kung saan sakop nito ang Lanao del Norte, ayon kay Capt. Clint Antipala, tagapagsalita ng 1st ID na matagumpay at peaceful ang plebisito, puwera na lamang sa naitalang minor incidents gaya ng suntukan.

Iniimbestigahan na rin sa ngayon ang tatlong insidente ng pagsabog sa Lanao del Norte.

Sa panig naman ni 6th ID Commander M/Gen. Cirilito Sobejana, naging matagupay ang pagsasagawa ng plebisito sa pitong munisipyo sa North Cotabato na walang naiulat na mga untoward incidents, maliban na lamang sa isang insidente sa bayan ng Aleosan kung saan nahulihan ng armas ang isang indibidwal na nahaharap ngayon sa kasong illegal possesion of firearms.

Inihayag pa ni Sobejana na ang nangyaring pagsabog sa Maguindanao ay paghihiganti umano ng teroristang grupo sa pamumuno ni Salahuddin Hassan.

Batay sa inisyal na assessment ng militar, bagito raw ang gumawa ng improvised explosive device kaya walang gaanong impact nang sumabog ito.

Samantala, sa monitoring naman ng PNP, hindi naging hadlang para sa mga botante na bumuto ang mga insidente ng pagsabog.

Wika ni PNP Spokesperson S/Supt. Bernard Banac, nasa 4,749 polling precints ang binuksan para makaboto ang nasa 352,494 na mga registered voters mula sa 462 barangays sa 22 munisipalidad sa Lanao del Norte.

Dalawang pulis naman ang inaresto sa isang checkpoint sa Iligan City, itoy kahit di kabilang sa BOL territory ang Iligan dahil sa panunutok ng armas na walang kaukulang Comelec certificates para sa gun ban exemption at Comelec clearance para magbigay ng security sa isang VIP.

Kinilala ni Banac ang dalawang pulis na sina PO1 Johaimen Tomondog Mohammad at PO1 Rasid Arumpac Lambay, pawang naka-assign sa Pantar Municipal Police Station.