-- Advertisements --

Magsasagawa ang Department of Health (DOH) ng ikalawang yugto ng pagbabakuna kontra polio at tigdas sa buwan ng Pebrero.

Ito ay sa gitna ng preparasyon ng DOH para sa pamamahagi ng bakuna sa coronavirus disease (COVID-19).

Ayon kay DOH USec. Myrna Cabotaje, target nilang mabakunahan ang 4.7-milyong bata laban sa polio at 5.1-milyon naman sa measles.

Sinabi pa ni Cabotaje, ang mga bakuna ay dadalhin sa pinakamalapit sa kani-kanilang bahay dahil hindi pinahihintulutang lumabas ang mga batang may edad 10 pababa.

Gagawin ang vaccination drive ng polio at measles sa mga lugar sa Region 3, Calabarzon, National Capital Region, Regions 6, 7 at 8.

Magugunita na noong 2019, nagkaroon ng outbreak ng measles sa Metro Manila na nakapagtala ng 550% pagsirit ng kaso mula Enero 1 hanggang Pebrero 6 ng nasabing taon.