CEBU CITY – Umapela muna ang prosekusyon na may hawak sa kaso ng pinatay na si Christine Lee Silawan na huwag munang isapubliko ang pagkakakilanlan ng panibagong suspek sa kaso.
Nagpaliwanag si Lapu-Lapu City Prosecutor Ruso Zaragosa dahil kontrobersyal umano ang kaso kaya dapat maging maingat sa mga impormasyon hinggil dito.
Sa ngayon tanging ang edad nitong 42-anyos pa lang ang detalyeng ipinaabot ng abogado ukol sa ikalawang suspek.
Posible rin daw na nasa impluwensiya ito ng iligal na droga nang mangyari ang krimen.
Pero batay umano sa salaysay nito, gunting ang kanyang ginamit bilang panaksak at pagbalat sa mukha ng menor de edad.
Itinanggi naman din daw nito na siya ang kumuha sa nadiskubreng laman-loob ng biktima na nawawala.
Samantala, ikinalugod naman ng National Bureau of Investigation ang panibagong development ng kaso.
Ayon kay NBI regional office director Atty. Tomas Enrile, tiyak na hindi makakaapekto sa hiwalay na kaso ng unang suspek ang pagkakadakip ng panibagong salarin.