BACOLOD CITY—Inilunsad kahapon sa lungsod ng Bacolod ang ikalawang bio-safe swab mobile na ibinigay ng ThomasLloyd Group, isang European investment firm.
Nabatid na ang unang bio-safe swab mobile, na pinaka-una sa buong Pilipinas, ay ibinigay ng Bacolod Filipino-Chinese Chamber of Commerce and Industry sa city government noong Mayo 7.
Labis ang pasasalamat ni Mayor Evelio “Bing” Leonardia sa ThomasLloyd Group na shareholder din ng BioPower sa pagbibigay ng bio-safe swab mobile sa Bacolod.
Kinilala ng alkalde ang team work ng city officials upang malabanan ang coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Leonardia, malaking tulong ang swab mobile para sa kapakanan ng mga health workers at mga probable patients dahil hindi na nila kailangan pang pumunta sa ospital upang kumuha ng swab sample.
Nakapagsimula na ang unang swab mobile sa pagkolekta ng swab samples mula sa mga frontliners gayundin sa mga naka-quarantine na mga overseas Filipino workers na umuwi sa Bacolod.
Samantala, magiging operational naman ang ikalawang swab mobile matapos itong idisinfect.
Ang nasabing proyekto ay pinangunahan nina Engr. Joseph Saril at ng anak mismo ni Leonardia na si Kara.