-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Ipinasakamay na sa Diocese of Ilagan ng Bombo Radyo Cauayan ang cash at mga damit na donasyon ng mga avid listener para sa mga naapektuhan ng pagsabog ng Bulkang Taal sa Batangas.

Ito ay makaraang ipapadala na bukas ang pangalawang bugso ng tulong ng Diocesan Social Action Center ng Diocese of Ilagan para sa mga biktima ng pagsabog ng bulkan.

Una nang nagpadala ng tulong ang Diocesan Social Action Center ng cash para sa agarang magagamit sa pagbli ng mga magagamit ng mga naapektuhan ng pagsabog.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Mother Camille Marasigan, diocesan social action coordinator ng Diocese of Ilagan, nakadepende sa laki ng sasakyan ang maipapadalang tulong.

Kabilang aniya sa prayoridad na itutulong ay bigas, canned goods, sabon, toothpaste, mga kumot at mga piling-piling damit, na mapapakinabangan ng mga evacuees.

Ayon pa kay Mother Camille ang sasakyang gagamitin sa pagpapadala ng mga tulong ay mula sa pamahalaang panlalawigan ng Isabela pangunahin na sa Provincial Social Welfare and Development Office.

Ang Diocesan Social Action Center ay bukas hanggang mamayang gabi para sa lahat ng mga nagnanais magbigay ng tulong para sa mga biktima ng pag-aalburoto ng Taal.