-- Advertisements --

Umani ng papuri mula sa mga eksperto ang South Korea dahil sa matagumpay nitong hakbang para labanan ang pagkalat ng coronavirus sa bansa.

Nagsimulang maramdaman ng South Korea ang unti-unting pagbaba ng mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa bansa noong Marso na naging dahilan upang tanggalin ang umiiral na social distancing meaures noongf Mayo 6.

Pinayagan din ng gobyerno na muling magbukas ang mga establisimyento tulad ng musuems, parks, at libraries.

Ngunit tila nagpa-kampante ang naturang bansa dahil muling nagsimula ang virus na guluhin ang pagbalik sa normal ng buhay ng mga mamayan kasabay ng kanilang selebrasyon ng week-long holiday simula noong Abril 29.

Libo-libong katao ang naiulat na nagpunta sa mga club at bar sa Itaewon, Seoul na kilala dahil sa pagiging nightlife hotspot nito. Isa sa mga ito ang 29-anyos na lalaking nagpositibo sa coronavirus noong Mayo 1. Mahigit 1,500 katao naman ang pinaniniwalaang bumisita rin sa naturang lugar.

Dahil dito ay gumawa ng listahan ang South Korean government na naglalaman ng halos 5,500 katao na pinaniniwalaang nagpunta rin sa Itaewon mula Abril 24 hanggang Mayo 6. Ayon sa mga opisyal, hindi na raw nila mahanap ang 2,000 sa mga ito.

Sa ngayon ay pumalo na sa 100 ang kumpirmadong kaso ng virus sa bansa kung saan 60 ay mula sa Seoul.

Patuloy naman ang panghihikayat ng mga otoridad sa lahat ng nagpunta sa Itaewon na sumailalim sa coronaviurs testing kahit na hindi sila nagpapakita ng sintomas.

Ipinag-utos naman ni Seoul Mayor Park Won-Soon na isailalim sa indefinite shutdown ang lahat ng bar at club sa Seoul.