Lumobo na sa mahigit 3.3 milyong indibidwal mula sa mahigit 900,000 pamilya ang naapektuhan sa pananalasa ng nagdaang kalamidad sa bansa.
Base sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Sabado, mahigit 1.1 million indibidwal o 270,000 pamilya ang na-displace at inilikas patungo sa evacuation centers o sa ibang lugar.
Sa datos din ng ahensiya, nasa 16 ang kanilang naitalang nasawi kung saan 10 dito ang nakumpirma na habang 6 ang isinasailalim pa sa validation. Ang dahilan ng pagkasawi ng mga ito ay bunsod ng landslide o pagkalunod.
Mayroong 2 indibidwal ang naitalang nawawala sa Calabarzon at Northern Mindanao habang 4 ang nasugatan sa Northern Mindanao at CAR.
Bagamat mas mataas ang naitalang death toll ng PNP na nasa 34, ipinaliwanag ng NDRRMC na dumadaan sa masusing validation ang napaulat na mga nasawi kayat inaasahang tataas pa raw ang bilang sa mga susunod na araw.
Samantala, umaabot na sa 104 lugar sa bansa ang nakasailalim sa state of calamity dahil sa lawak ng pinsalang iniwan ng nagdaang bagyong Carina, Butchoy at Habagat.
Nasa 57 dito ay sa Central Luzon, 24 na lugar sa Calabarzon, 17 sa NCR, 3 sa Mimaropa, 2 sa Soccsksargen at 1 sa Davao.