Kailangang maibaba ng Pilipinas sa 3.7% ang average inflation rate para sa sunod na limang buwan upang maabot ang 5.5% inflation rate forecast ng Bangko Sentral ng Pilipinas para ngayong taong 2023.
Ito ang binigyang diin ni Assistant National Statistician Rachel Lacsa sa isinagawang News Forum ngayong araw.
Aniya, patuloy na nasa downward trend ang inflation sa ating bansa simula pa noong buwan ng Enero.
Nakita aniya ang pagbaba ng presyo ng karne at isda gayundin bagamat may pagtaas aniya sa presyo ng asukal bumagal naman ito kumpara noong nakalipas na buwan.
Sinabi din ng opisyal na mayroong indirect effect ang mga kalamidad sa inflation partikular na sa presyo ng agricultural commodities.
Bumagsak din aniya ang renta at presyo ng utilities gaya ng elektrisidad.
Una rito, nakapagtala ang Philippine Statistics Authority (PSA) ng 4.7% inflation noong nakalipas na buwan ng Hulyo, mas mabagal kumpara sa 5.4% na naitala noong Hunyo gayundin sa 6.1% na inflation rate noong Mayo.