Inamin ng Department of Health (DOH) na tumaas pa ng 3% ang pagdami ng bilang ng mga nabiktima ng paputok ilang oras bago ang pagsalubong sa bagong taon.
Sa inilabas na Fireworks-Related Injury Surveillance 2019 ng DOH (as of Dec 31, 6AM) nadagdagan pa ng walo ang mga kaso mula kahapon na may kinalaman sa fireworks-related injuries na isinugod sa 61 mga ospital sa iba’t ibang dako ng bansa.
Umaabot na ngayon sa 62 ang mga sugatan dahil sa paputok.
Ayon sa datos ng DOH mas marami ng dalawa o 3% ang itinaas ng bilang ng mga nabiktima sa kapareho ring araw noong taong 2018.
Gayunman ito ay mas mababa sa five-year average sa kaparehong period sa pagitan ng taong 2014 hanggang 2018 na umaabot sa 169 cases.
Sinabi ng DOH na nangunguna pa rin ang National Capital Region sa may pinakamaraming nabiktim ng firecrackers na umaabot na sa 27.
Sa lungsod ng Maynila ay nasa 14, sa Quezon City naman ay pito, dalawa naman sa Marikina City at tig-isa ang naiulat na sugatan dahil sa paputok sa Mandaluyong, Pasay City at Valenzuela City.
Lumalabas naman sa datos ng DOH na ang piccolo pa rin ang may pinakamaraming nabiktima na umaabot na sa siyam, sinusundan ng boga na may anim ang sugatan, anim din dahil sa kwitis at meron ding tig-lima na sugatan bunsod ng 5-Star at Luces.
Karamihan din daw sa mga nasugatan ay sa parte ng kamay at mata.
Narito pa ang latest data ng DOH:
Region 1 (Ilocos Region) – 8
Region 2 (Cagayan Valley) – 4
Region 3 (Central Luzon) – 1
Region 4A (CALABARZON) – 4
Region 4B (MIMAROPA) – 1
Region 5 (Bicol Region) – 4
Region 6 (Western Visayas) – 3
Region 7 (Central Visayas) – 6
Region 11 (Davao Region) – 1
Region 12 (SOCCSKSARGEN) – 3
Samantala una nang inamin sa Bombo Radyo ni DOH Secretary Francisco Duque III na medyo nababahala sila sa trend ng pagtaas ng bilang ng mga napuputukan.
Isa pa raw sa pangamba ni Duque ay dahil sa maganda ang lagay ng panahon.
Kung tuyo raw kasi ang mga kalsada o lansangan ay baka mas lalong dumami ang gumamit ng mga paputok.
Hindi raw katulad ng mga nakalipas na taon ay may mga lugar na nakaranas ng pag-ulan kasabay ng pagsalubong sa bagong taon.
“Hindi maganda. Parang lumalabas na noong 2018 ay pumareho na. So, posibleng baka mas tumaas pa ngayon. Dahil nga gumaganda ang panahon. Kakaunti ang araw na nag-uulan hindi katulad noong nakaraang taon. Tulad noong 2017 ay nag-uulan eh. So, sa ngayon dapat talaga na paghandaan ito na posibleng sumipa (number of injuries) na sana naman ay ‘wag dahil masyadong mabigat ang kapalit na pagsasaya para salubungin ang bagong taon,” ani Sec. Duque sa Bombo Radyo interview.