CAUAYAN CITY – Nilinaw ng militar na tatlo ang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) na napatay sa sagupaan sa San Sebastian Jones, Isabela.
Unang natagpuan ng mga sundalo ang bangkay ng dalawang NPA na ang isa ay kumander.
Ang ikatlo ay natagpuan sa daan matapos iwan ng kanyang mga kasamang rebelde.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Lt. Col. Remigio Dulatre, commander ng 86th Infantry Battalion Philippine Army, kinumpirma niya na kumander ng NPA ang isa sa mga napatay na rebelde.
Matatandaang namatay ang isang sundalo na may ranggong Private 1st Class na tubong San Guillermo, Isabela habang nasugatan ang isang CAFGU sa pananambang sa anim na sundalo na magsasagawa sana ng community support activity sa Namnama, Jones, Isabela.
Lubos namang nagpasasalamat si Army Maj. Gen. Pablo Lorenzo, Commander ng 5th Infantry Division, Philippine Army sa ipinapakitang malasakit at tulong ng mga sibilyan sa militar sa kampanya laban sa mga NPA sa kanilang nasasakupan.
Ayon pa kay Maj. Gen Lorenzo, umaasa ang mga mamamayan na gagawin nila ang lahat ng kanilang makakaya upang protektahan ang kanilang karapatan at kaligtasan.