LEGAZPI CITY – Ligtas na naibalik sa mainland ang tatlong animal welfare advocates na na-stranded ng isang gabi sa volcano island sa Batangas partikular na sa Brgy. San Isidro sa bayan ng Talisay.
Kinilala ang mga itong sina Jana Sevilla, Robert Rafi at Joharo Rowell ng People for the Ethical Treatment of Animals (PETA).
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Coast Guard District Southern Tagalog Operations chief LCDR Anthony Cuevas, nabatid na kahapon nagtungo sa lugar ang grupo lulan ng isang bangka upang mag-assess sa sitwasyon ng mga hayop.
Subalit sa takot aniya ng bangkero na hulihin ng Philippine Coast Guard (PCG) lalo pa’t alam na bawal ang ginawa, inihatid lamang at hindi na binalikan ang tatlo.
Kaninang umaga na nakita ng rescue team ang mga ito na nasa ligtas namang kalagayan habang ipinagpapasalamat naman ng opisyal na hindi gaanong umakyat ang aktibidad ng Bulkang Taal kagabi.
Kaugnay nito, muling nagpaalala ang opisyal na hindi pa pinahihintulutan ang pagpasok sa volcano island na itinuturing aniya ngayon na “no man’s land” dahil sa banta ng mga kasunod pang pagputok ng bulkan.