Magkakasa ang grupo ng transportasyon na Manibela ng tigil-pasada mula Agosto 14 hanggang 16 matapos tutulan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Senate resolution para sa suspensiyon ng PUV Modernization Program (PUVMP).
Sa isang press conference ngayong araw, sinabi ni Manibela head Mar Valbuena na hindi sila nananakot subalit kapag wala aniyang malinaw na direktiba mula sa Pangulo, sa Deparment of Transportation at LTFRB gayundin ang guidelines kung paano ipapatupad nang maayos ang programa ay magsasagawa sila ng strike.
Aniya, hindi umano tinugunan ng Pangulo ang partikular na concern ng mga Senador na nananawagan para sa suspensiyon ng programa.
Una rito, nitong Miyerkules nanindigan si Pangulong Marcos sa kaniyang pagsuporta sa PUVMP na tinatawag ng Public Trasport Modernization Program (PTMP) sa kabila pa ng inihaing resolution ng 22 Senador para suspendihin ito.