Patay ang tatlong terorista na miyembro umano ng Abu Sayyaf group (ASG) sa isinagawang operasyon ng PNP intelligence group kaninang umaga sa karagatan ng Barangay Taluksangay, Zamboanga City.
Dahil dito, napigilan ng PNP ang tatlong terorista sa kanilang bombing mission, habang patungo ang mga ito sa Zamboanga City sakay ng isang pumpboat.
Kinilala ni PNP chief Gen. Debold Sinas ang tatlong suspek na sina Radi Nalul Tahirin, Hasan Alimin at Abdilla Aspalin, pawang mga miyembro ng Daulah Islamiya/ASG.
Ayon kay Sinas ang matagumpay na operasyon ay pinangunahan ng Regional Intelligence Unit (RIU)-9 ng PNP Intelligence Group ), kasama ang mga tropa ng 5th Special Action Battalion (5SAB) at Explosive Ordnance Disposal (EOD) Unit ng PNP-Special Action Force (SAF); Regional Maritime Unit (RMU)-9; Regional Intelligence Division, CIDG-9 at Zamboanga City Police Office.
Dalawa sa mga suspek ang isinugod sa ospital kung saan idineklara ang mga ito na dead on arrival, habang ang pangatlo ay nahulog sa karagatan at pinaghahanap pa sa kasalukuyan.
Narekober ng mga tropa mula sa pumpboat ang dalawang caliber .45 pistols at mga pampasabog.