-- Advertisements --

JTF Sulu

Dalawang sundalo sugatan habang tatlo sa panig ng teroristang Abu Sayyaf matapos makasagupaan ang dalawang grupo kahapon ng umaga sa probinsiya ng Sulu.

Ayon kay JTF Sulu at 11th Infantry Division Commander MGen. William Gonzales nagsasagawa ng combat operations ang mga tauhan ng 21st Infantry Battalion (21IB) ng makasagupa ng mga ito ang grupo ni ASG leader Radulan Sahiron.
Umigting ang 15 minutong sagupaan sa may bahagi ng Brgy. Lower Sinumaan sa Patikul.

Dahil sa kakulangan ng bala at pwersa umatras ang mga teroristang Abu Sayyaf.

Sinabi ni Gonzales, ang ginawang pag atras ng teroristang Abu Sayyaf sa labanan ay patunay lamang na kulang na ang supply ng kanilang mga bala.

Ayon naman kay 21st IB Commander Ltc Gerald Monfort, ginagamot na sa ngayon sa Kuta Heneral Teodulfo Bautista Station Hospital ang dalawang sugatang sundalo at kasalukuyang stable na ang condition ng mga ito.

Sinabi ni Monfort na batay sa report sugatan sa nasabing enkwentro

ang tatlong miyembro ng ASG na nakilalang sina alias Aldam, Sans at Muadz.

Nabatid na si alias Muadz ay apo ni ASG leader Sahiron.

Dahil sa panibagong labanan, naka alerto ngayon ang militar sa Sulu habang nagpapatuloy ang hot pursuit operations.

Pinuri ni MGen. Gonzales ang mga tropa sa tapang at kabayanihan na kanilang ipinakita sa pakikipag laban sa ASG.

Sinabi ng heneral ang nasabing labanan ay patunay na nag shaped-up na ang militar sa battlefield at matagumpay na napa-alis sa kanilang stronghold o kuta ang mga bandidong Abu Sayyaf.

Malaki din ang naiambag ng mga residente ng Sinumaan para matuntunan ang kinaroroonan ng teroristang grupo.