Tatlo pang miyembro ng bandidong Abu Sayyaf ang patuloy na pinaghahanap sa ngayon ng militar at pulisya sa Clarin, Bohol na nakatakas matapos makasagupa kahapon ng mga sundalo ang bandidong grupo.
Sa labanan kahapon apat na bandido ang nasawi sa pangunguna ni Joselito Milloria habang tatlong matataas na kalibre ng armas ang narekober.
Ayon kay AFP Spokesperson BGen. Restituto Padilla na malaking tulong ang ibinigay na impormasyon ng mga sibilyan para matunton ng mga otoridad ang mga nagtatagong bandido.
Sinabi ni Padilla na nagpapatuloy ang manhunt operations ng militar at pulisya para matunton ang tatlo pang remnants ng teroristang grupo.
Ibinunyag ni Padilla na ang grupo ni ASG sub-leader Muammar Askali alias Abu Rami na nagtungo sa Inagbanga, Bohol ay kabilang sa elite force ng teroristang grupo na siyang nagsasagawa ng mga kidnapping activities.
Ito’y matapos makarekober ang militar ng mga high-powered na mga armas mula sa grupo ni Milloria.
Si Millora alias Abu Alih ay tubong Bohol subalit nagbalik Islam at umanib sa pwersa ng teroristang grupo na nagdala sa grupo ni Abu Rami sa Bohol.
Kahapon natiyempuhan na ng mga awtoridad ang grupo ni Milloria sa may Barangay Bacani, Clarin, Bohol na malapit sa Inagbanga.
Tanging si Milloria pa lamang ang natukoy sa ngayon sa apat na nasawing bandido habang patuloy na kinikilala ang tatlo pang nasawing bandido.
Naniniwala si Padilla na hindi magtatagal ay kanila na rin maaresto ang tatlong bandido.
Aniya, dahil sa reward o pabuya na ibinigay ni Pangulong Rodrigo Duterte kaya mas lalong mapapadali ang pag neutralized sa nakatakas na tatlong bandido.