KORONADAL CITY – Ibinahagi ng mga babaeng dating kasapi ng New Peoples Army (NPA) na nasugatan sa engkwentro at sumuko sa mga sundalo ang kanilang naging mapait na karanasan matapos maging rebelde at mapabilang sa hanay ng komunistang grupo.
Kinilala ni Lt. Col. John Paul Baldomar, commanding officer ng 37th Infantry Batallion, Phippine Army ang mga ito na sina Alyas Sharlyn, 21 anyos; Alyas Mica, 21-anyos isang Alyas Lynlyn, 16 anyos, pawang mga Manobo tribe at residente ng Kalamansig, Sultan Kudarat.
Sinabi ni Alyas Sharlyn na 15-anyos pa lamang siya at nasa Grade 8 nang ni-recruit at binilog ang ulo upang makipaglaban sa gobyerno.
Naging kasapi umano siya ng Platoon Happy at isinailalim sa training upang makipag-laban sa militar, maging medic officer at recruiter.
Napakalayo umano ang kanyang naging karanasan habang kasapi ng NPA sa mga ipinangako ng mga ito.
Kapareho din ang isinalaysay ng isang Manobo na si Alyas Mica, kung saan 16-anyos pa lamang ito nang ni-recruit ng isang Rowie John Libot alyas Ka Wifi, residente ng Moncayo, Davao na namatay sa engkwento noong July 27,2023.
Maliban sa mga ito, isang menor de edad din ang na-rescue ng militar mula sa kamay ng mga rebeldeng NPA na pinamumunuan ni Kumander Alberto na nagsasagawa ng operasyon sa bayan ng Kalamansig at Palimbang, Sultan Kudarat.
Sa ngayon, nasa ligtas na kondisyon na ang mga ito at nakahandang makipagtulungan sa mga sundalo upang mapigilan ang ginagawang recruitment ng NPA sa mga kabataan sa lugar.
Maliban sa pagkamatay ng recruiter na si Ka Wifi ay nagsampa na rin nga kasong Human Trafficking ang mga otoridad laban sa mga kasamahan nito ayon sa testimonya ng mga sumukong kababaihan.
Patuloy naman ang panawagan ni Lt. Col. Baldomar sa kasamahan ng mga ito na sumuko na at magbalik loob sa gobyerno
Nakikipagtulungan din sila sa Local Government Unit ng Kalamasig, Sultan Kudarat, Department of Education at Philippine National Police upang mamonitor ang mga kabataang tribo na target ng recruitment ng New Peoples Army.