Nadetect ang 3 bagong kaso ng mpox sa Pilipinas.
Sa datos mula sa Department of Health, lahat ay mga kalalakihan na nasa mga edad na 29 at 34 anyos kung saan 2 dito ay mula sa National Capital Region habang ang 1 ay mula sa Calabarzon region. Base sa findings, ang 3 ay positibo sa mas mild na uri ng mpox na Clade II.
Bunsod nito 17 na ang kabuuang bilang ng mpox sa bansa simula noong July 2022 kung saan 9 dito ay matagal ng nakarekober noon pang 2023 habang 8 ang aktibong kaso.
Ang mga bagong kaso o case 15 at 16 ay nagkaroon ng anonymous sexual encounters ng mahigit sa isang partner habang ang case 17 naman ay nagkaroon ng sexual contact sa isang indibidwal na may skin symptoms.
Wala namang travel history ang 3 sa loob ng 21 araw bago lumabas ang mga sintomas.
May isang close contact ang case 15 na kasalukuyang naka-home isolation habang nagpapatuloy naman ang contact tracing sa nakasalamuha ni case 16 na kasalukyang kinokompleto rin ang home isolation.
Sa case 17 naman, mayroon itong 2 household close contact.
Samantala, naipaalam na sa Local government units ng 3 bagong kaso para sa response actions na gagawin.
Tiniyak naman ni Health Secretary Ted Herbosa na nananatiling handa o aktibo ang health system ng bansa at patuloy na alerto ang DOH laban sa mpox. Payo din ng opisyal sa publiko na iwasan ang intimate contact, lalo na sa anonymous individual na may multiple sexual partner.
Samantala, inihayag din ng DOH na ang deklarasyon ng local disease outbreaks ay dapat na magmula sa provincial, city o municipal authorities.
Ipagpapatuloy din ng ahensiya ang pakikipagusap sa local epidemiology and surveillance units (ESUs) para magbigay ng sapat na scientific evidence para maabisuhan ang kanilang local chief executives para sa pinakamainam na tugon laban sa sakit.