-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Kontrolado na umano ang mga kaso ng UK (United Kingdom) variant ng COVID (Coronavirus Disease) sa Bontoc, Mt. Province, kung saan naitala ang dose-dosenang bilang ng mga nagpositibo sa sakit.

Katunayan ay naka-isolate ang tatlong pinakabagong nagpositibo sa UK variant sa nasabing bayan.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Bontoc Municipal Local Government Operations Officer Claire Peel, ginagawa na aniya ang contact tracing at swabbing sa mga nakahalubilo ng mga nagpositibong indibidwal.

Samantala, sinabi niya na karamihan sa 12 na una nang nadapuan ng UK variant ng COVID ay na-contact trace na at na-isolate na rin.

Dagdag nito, nananatiling sapat ang kanilang mga isolation at temporary treatment monitoring facilities dahil mabilis ding nakakarekober ang mga na-isolate na pasyente.

Sapat din aniya ang ginagamit ng mga medical frontliners na personal protective equipment, gayundin ang manpower ng naturang sektor.

Kung maaalala, kinumpirma ng Department of Health na isa sa 25 na nagpositibo ng mas nakakahawang UK variant ng COVID ang binawian ng buhay.