-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Lumapag sa Tactical Operations Group 2 (TOG 2) ang tatlong bagong Sikorsky S-70i Black Hawk helicopter na mula sa bansang Poland.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Col. Agusto Padua, Tactical Operations Commander ng TOG 2, sinabi niya na pangunahin sa mga pakay ng paglapag ng 3 Sikorsky S-70i Black Hawk helicopter sakay ang mga test pilot at spesyalista ng Huey helicopter kasabay ng pagbisita ng wing commander ng 205th tactical helicopter wing para bisitahin ang mga pilot at crew ng huey helicopter ng TOG 2.

Ito ay kasunod ng pagkakasuspinde ng lahat ng unit ng Huey helicopter matapos ang naganap na pagbagsak ng isang Huey helicopter sa Bukidnon na ikinasawi ng pitong sundalo kabilang na ang ilang miyembro ng Phil. Airforce at Philippine Army.

Sa kabila nito ay tiniyak ni Col. Padua na hindi apektado ang operasyon ng TOG 2 sa pagkakasuspinde ng mga Huey helicopter unit dahil may iba pang sasakyang panghimpapawid ang TOG 2 tulad ng Bell 412 at Black Hawk helicopter.

Sa ngayon ay unti unti na ring nagsasanay ang ilang piloto ng Philippine Airforce para sa paggamit ng mga modernong Sikorsky Black Hawk helicopter.

Ang Sikorsky Black Hawk helicopter ay maaaring magsakay ng 11 hanggang 12 pasahero.

Sa kasalukuyan ay mayroong 4,000 units ng Sikorsky Blackhawks helicopter na ginagamit ng 31 at anim ang ginagamit dito sa Pilipinas.

Aniya nakatakdang gamitin ang mga bagong Sikorsky Black Hawk helicopter sa mga operasiyon ng Philippine Airforce partikular sa paghahatid ng humanitarian assistance and disaster response subalit sa ngayon ay limitado pa lamang ang kakayahan ng mga test pilot ng Sikorsky Black Hawk helicopter sa resupply mission at transport.