Nag-iwan ng P478 million na halaga ng pinsala sa agrikultura at imprastruktura ang 3 magkakasunod na bagyong tumama sa Pilipinas ngayong buwan ng Nobiyembre.
Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRMMC) ngayong Martes, nakapagtala ng P469.8 million na halaga ng pinsala sa sektor ng imprastruktura sa Cagayan Valley, Central Luzon at Cordillera Administrative Region (CAR) dahil sa bagyong Nika, Ofel at Pepito.
Sinira din ng nagdaang mga bagyo ang nasa P8.6 milyong halaga ng mga pananim, livestock at mga kagamitan sa pagsasaka.
Naapektuhan naman ang 1.8 milyong Pilipino kung saan 453,000 ang lumikas patungo sa mga evacuation center.
Samantala, kasalukuyang biniberipika na ng ahensiya ang napaulat na nasawi mula sa 3 bagyo bagamat nauna ng iniulat ng mga lokal na opisyal na nasa 8 katao na ang nasawi kung saan 1 dito ay mula sa Camarines Norte bagamat ito ay kinukumpirma pa kung may kinalaman sa bagyo at 7 naman sa Nueva Vizcaya dahil sa landslide habang nasa 25 katao ang napaulat na nasugatan sa kalamidad.